Matrikula, dropout sa kolehiyo, lolobo sa pasukan
Malakanyang at Cocopea, nasa likod ng pagtanggal sa tuition cap
Nagbabala ang Kabataan Partylist ng higit na paglobo ng matrikula at bilang ng mga dropout sa kolehiyo bunga ng pagkakatanggal sa tuition cap sa mga pribadong paaralan.
Ani Raymond Palatino, Pangulo at Unang Nominado ng Kabataan Partylist, maanomalya ang ginawang hakbang ng Commission on Higher Education sa suspensyon ng CHED Memorandum Order No. 14 (CMO 14) o ang mga panuntunan sa mga konsultasyon hinggil sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin na naglalagay sa tuition cap katumbas ng kasalukuyang tantos ng implasyon.
Kinuwestiyun din ni Palatino ang bagong pahayag ni Puno na nagsasabing maaari nang magtaas ng matrikula ang mga pribadong paaralan katumbas ng 10 porsyento para sa darating na pasukan.
Aniya, tapos na ang mga konsultasyon hinggil sa pagtaas ng matrikula at maraming mga pribadong paaralan ang nagsimula na ng kanilang enrolment.
“Magdudulot lamang ito ng kalituhan at kaguluhan sa enrolment at ginagamit na ngayon ng mga may-ari ng mga paaralan para higit pang itaas ang kanilang matrikula.”
Dagdag pa ni Palatino, wala itong pinag-iba sa maanomalya ring pagsusupindi sa tuition cap sa kalagitnaan ng mga konsultasyon para sa pagtataas ng matrikula noong Pebrero.
Nasa kalagitnaan na ng mga konsultasyon sa mga pribadong paaralan para sa mga panukalang pagtaas sa matrikula at iba pang mga bayarin nang biglaang naglabas si Commission on Higher Education (Ched) Chairman Carlito Puno ng isang memorandum na nagsususpinde sa implementasyon ng CMO 14.
Sa nasabing memorandum na inilabas noong Pebrero 20, ang ibinasura nang CMO 13, Series of 1998, ang gagamiting batayan para sa mga panukalang pagtaas sa matrikula sa susunod na school year.
“Kaduda-duda at batbat ng iregularidad ang naging hakbang ni Puno dahil lumabas ito ilang araw na lamang bago ang pagtatapos ng mga konsultasyon sa pagtaas ng matrikula noong Pebrero 28. Hindi rin ito dumaan sa konsultasyon sa mga mag-aaral.”
Ani Palatino, ginawa rin ng Ched ang nasabing hakbang sa harap ng agresibong pagla-lobby ng mga school owners sa ilalim ng Coordinating Council of Private Educational Associations o Cocopea.
Aniya, isang linggo bago ang suspensyon ng CMO 14, nakipagpulong ang mga lider ng Cocopea kay Arroyo. Ito ay malinaw na nakasaad sa ipinapakalat na circular ng Cocopea sa mga miyembro nito:
“Please be advised that after a meeting Cocopea had with President Macapagal-Arroyo last week, the President took the initiative to order the creation of a review team…The review will also cover Ched Memorandum Orders No. 7, Series of 2007; No. 42, Series of 2006; and No. 14, Series of 2005. Hence, the suspension of these CMOs.”
“Ang ginawa ng Cocopea ay di naiiba sa walang hiya at harap-harapang pagla-lobby ng malalaki at dayuhang kompanya ng gamot noon para harangin ang pagpapasa ng panukala sa Kongreso para sa mas murang presyo ng gamot. Ngunit sa pagkakataong ito, lumalabas na hindi lamang kasabwat kundi pangunahing utak din si Arroyo at ang Ched sa isang “grand conspiracy” upang makahuthot ng mas malaking pera sa mga bulsa ng mga magulang at mag-aaral.”
“Isa rin itong malinaw konsesyon sa bahagi ni Arroyo upang makuha ang suportang pampulitika ng mga private school owners sa kanyang administrasyon at sa mga manok nito ngayong eleksiyon.”
“Ang malaking kabalintunaan nga lang, habang ipinangangalandakan ng mga kandidato ng administradyon sa kanilang mga TV ad na sila ay para sa edukasyon at kabataan, higit na mas marami ang hindi makakapasok sa kolehiyo sa Hunyo sa ginawang pakikipagsabwatan ni Arroyo.”