Sabwatang Ched, Malakanyang at Cocopea

ni Carl Marc Lazaro Ramota
http://www.pinoyweekly.org/pw6-09/op_ed/ed-6_09_5.htm

Nasa kalagitnaan na ng mga konsultasyon sa mga pribadong paaralan para sa mga panukalang pagtaas sa matrikula at iba pang mga bayarin nang biglaang naglabas si Commission on Higher Education (Ched) Chairman Carlito Puno ng isang memorandum na nagsususpinde sa implementasyon ng Ched Memorandum Order No. 14 (CMO 14) o ang mga panuntunan sa mga konsultasyon hinggil sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin, kasama na ang CMO 7 at 42 na naging pag-amyenda rito.

Sa nasabing memorandum na inilabas noong Pebrero 20, ang ibinasura nang CMO 13, Series of 1998, ang gagamiting batayan para sa mga panukalang pagtaas sa matrikula sa susunod na school year.

Kaduda-duda at batbat ng iregularidad ang naging hakbang ni Puno dahil lumabas ito ilang araw na lamang bago ang pagtatapos ng mga konsultasyon sa pagtaas ng matrikula noong Pebrero 28. Hindi rin ito dumaan sa konsultasyon sa mga mag-aaral at tila walang balak ang Ched na ipaalam pa ito kung hindi pa nadiskubre ng ilang student council sa Baguio City, National Union of Students at Kabataan Party-list ang maanomalyang kautusan ni Puno.

Ginawa rin ng Ched ang nasabing hakbang sa harap ng agresibong pagla-lobby ng mga school owners sa ilalim ng Coordinating Council of Private Educational Associations o Cocopea. Ito ay tahasang inamin ni Puno sa mga pahayag nito sa media.

Paborable ang pagbabalik ng CMO 13 sa Cocopea. Sa pagsuspindi sa CMO 14 at muling pagimplementa ng CMO 13, epektibong tinatanggal ang kasalukuyang umiiral na tuition cap o ceiling na nakabatay sa tantos ng implasyon. Hindi na rin kasama sa konsultasyon ang mga pagtaas sa miscellaneous fees.

Ang memorandum ni Puno ay nangangahulugang pagbalik sa panahon ng naglalakihan at walang ampat na pagtaas sa matrikula at pagpapataw ng mga maanomalyang bayarin na matagal nang tinutulan ng mga mag-aaral.

Ngunit sa abiso ng Cocopea sa miyembro nito na ipinamahagi rin noong Pebrero 20, lumalabas na ang pangunahing nag-utos sa Ched para susupendihin ang implementasyon ng CMO 14 ay walang iba kundi si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Isang linggo bago ang suspensyon ng CMO 14, nakipagpulong ang mga lider ng Cocopea kay Arroyo. Ito ay malinaw na nakasaad sa ipinapakalat na circular ng Cocopea sa mga miyembro nito:

“Please be advised that after a meeting Cocopea had with President Macapagal-Arroyo last week, the President took the initiative to order the creation of a review team…The review will also cover Ched Memorandum Orders No. 7, Series of 2007; No. 42, Series of 2006; and No. 14, Series of 2005. Hence, the suspension of these CMOs.”

Ang ginawa ng Cocopea ay di naiiba sa walang hiya at harap-harapang pagla-lobby ng malalaki at dayuhang kompanya ng gamot noon para harangin ang pagpapasa ng panukala sa Kongreso para sa mas murang presyo ng gamot. Ngunit sa pagkakataong ito, lumalabas na hindi lamang kasabwat kundi pangunahing utak din si Arroyo at ang Ched sa isang “grand conspiracy” upang makahuthot ng mas malaking pera sa mga bulsa ng mga magulang at mag-aaral.

Isa rin itong malinaw konsesyon sa bahagi ni Arroyo upang makuha ang suportang pampulitika ng mga private school owners sa kanyang administrasyon at sa mga manok nito ngayong eleksiyon.

Ang ironic nga lang, habang ipinangangalandakan ng mga kandidato ng administradyon sa kanilang mga TV ad na sila ay para sa edukasyon at kabataan, higit na mas marami ang hindi makakapasok sa kolehiyo sa Hunyo sa ginawang pakikipagsabwatan ni Arroyo.

Leave a Reply